Friday, October 9, 2020

Dating rebelde nakatanggap ng DTI Livelihood Starter Kits



MALITA, Davao Occidental - Namahagi ng Livelihood Starter Kits ang Department of Trade and Industry (DTI) sa sumukong dating mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Malita kahapon, Oktubre 8, 2020, kampo ng 73rd Infantry Battalion, Brgy Felis ng nasabing bayan.

Nagkaroon ng seremonya ang DTI upang ibahagi ang kanilang programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) sa pamamagitan ng Sari-Sari Store na nagkakahalaga ng PhP 5,000.00 sa 10 dating rebelde ng naturang bayan.

Sa mensaheng ipinarating ni Ma. Joycelyn Banlasan, Provincial Director, kanyang binigyang-diin na ang binigay na sari-sari store ay isang pasimula. "Kaya ito tinawag na starter ay dahil ito ang magsisimula sa pagbabagong buhay ng makakatanggap. Ito ang magsisilbing starter sa kanilang pangkabuhayan," kanyang sabi.


Nais ding iparating ni Lt. Col. Ronaldo G Valdez, Pinuno ng 73IB, ang kanyang pasasalamat sa tulong na ibinahagi ng ahensya. "Nagpapasalamat ako sa DTI at nabigyan ng ganitong pagkakataon ang mga dating NPA. Sana ay magtuluy-tuloy pa ang ganitong pagtulong mula sa iba't ibang ahensya para sa mga kababayan natin," kanyang sabi.

Ang ganitong pagtulong ng mga ahensya ang nag-udyok sa mga NPA na sumuko at bumalik sa gobyerno sa dahilang may naghihintay sa kanilang pagbabagong buhay.


Source: Civil-Military Operations Office, 73rd Infantry Battalion, Joint Task Force Agila, PA

No comments:

Post a Comment