Friday, October 16, 2020

Ground Breaking at Turn-over ng 300K halaga ng Livelihood Project mula sa EO 70 iginawad sa People’s Organization ng Paquibato District



PAQUIBATO DISTRICT, Davao City - Pinangunahan ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) Office, Region XI ang ground breaking ng Livelihood Project na nagkakahalaga ng Php300,000.00 na bahagi ng Sustainable Livelihood Program (SLP) sa mga miyembro ng Triple Tribal SLP Association (TTSA) ng Brgy Pañalum, Distrito ng Paquibato, Lungsod ng Dabaw noong Oktubre 12, 2020.

Ang programa ay isa sa mga proyekto ng DSWD bilang tugon sa Executive Order 70 (EO 70) o mas kilala sa tawag na “Ending Local Communist Armed Conflict” bilang kasagutan sa mga isyung ginagamit ng teroristang NPA.

Ang SLP ay tinanggap ni Ginang Reame Bregole, Presidente ng TTSA na binubuo ng 28 na residente ng Barangay Pañalum, PDDC.


Ang paggawad ng SLP ay pinangunahan naman ni Ginoong Sherwin Gomez, ang Focal Person ng SLP sa Distrito ng Paquibato.

Ang nasabing programa ay dinaluhan ni 1LT GEN ADRIAN GAUTANE (INF), PA, CMO Officer ng 27th Infantry Battalion kasama sina PLT NAPOLEON SABES at PLT JELCRIS TOLEDO ng PNP RPSB at mga opisyal ng Barangay Pañalum na pinamumunuan ni Punong Barangay Hon. Analou Trespeses ng Brgy Pañalum.

Binigyang diin ni Ginoong Sherwin Gomez na ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay nagsama-sama upang tuluyan ng wakasan ang insurhensiya sa pamamagitan ng paghahatid ng mga proyekto at serbisyo ng gobyerno sa mga conflict affected areas.

Hinikayat din niya ang lahat ng myembro ng nasabing asosasyon na pahalagahan at palaguin sa pamamagitan ng wastong pamamahala ang ibinigay na kapital upang makapagsimula sa kanilang napiling negosyo na General Merchandise.


Samantala, binigyang diin naman ni 1LT GAUTANE na suportahan at maging bahagi sa hangarin ng gobyerno na wakasan na ang insurhensiya.

Aniya, mapapabilis na matamo ang mimimithing kapayapaan at kaunlaran kung ang bawat isa ay magtutulungan at magkakaisa na isulong ang EO 70 at huwag ng magpalinlang sa mga teroristang NPA.

Bilang tugon, lubos namang nagpasalamat ang punong barangay ng Pañalum na si Hon. Analou Trespeses sa DSWD at 27th Infantry Battalion sa patuloy na pagbibigay ng programa at seguridad sa kaniyang nasasakupang barangay.

Hinikayat rin ng punong barangay ang mga residente ng kaniyang barangay na suportahan ang gobyerno at huwag ng magpapaloko sa mga kasinungalingan ng mga teroristang NPA.


Source: Civil-Military Operations Office, 27th Infantry Battalion, Joint Task Agila, PA

No comments:

Post a Comment